News
Pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan ng Junior High School Department
Ang departamento ng JHS ay nagdiwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan noong nakaraang Agosto hanggang Setyembre na mayroong temang: "kasaysayan, wika, kamalayan: pagpapanday ng diwang makabansa tungo sa sang mapagpalaya at mapanuring mamamayan.” Pormal na binuksan ang pagdiriwang noong ika-18 ng Agosto sa pangunguna ni G. Alexander John Obina at Bb. Danica Macasaet kung saan ipinakilala ang iba’t ibang patimpalak na gagawin para sa buwan ng Wika at Kasaysayan.
Nagkaroon ng iba’t ibang patimpalak na ginanap sa iba’t ibang araw, ilan sa mga ito ay ang pagsulat ng sanaysay, sinelaysay (malikhaing pagkukwento), tagisan ng talino, kwadro likha, pagbuo ng sagisag ng tribo, makabayang awitin, paglika ng poster, natatanging kasuotan, larong pinoy at ang lakan at lakambini.
Nagkaroon din ng malawakang pagdiriwang ang departamento ng JHS at SHS noong ika-10 ng Setyembre, 2024, kung saan nakiisa ang mga non-teaching staff ng Manresa school. Ang bawat isa ay nagsuot ng kani-kanilang mga katutubong kasuotan, ginawadan sina G. John Anthony Jesswani at Bb. Luisa Mandario para sa natatanging kasuotan sa Staff, sina G. Mark Mallari at Bb. Larrene Joy M. Bilangel para sa JHS at Gng. Crissandrea Concepcion at G. Jolex Acid sa SHS. Binigyan din ng parangal ang mga mag-aaral na nagtampok ng kani-kanilang mga iba’t ibang katutubong kasuotan mula Ika-7 baitang hang ika-12 baitang. Isa rin sa pinamalaking paligsahan ng buwan ng wika at kasaysayan ay ang Lakan at Lakambini: Pagtatampok ng iba’t ibang katutubong pangkat, kung saan naglaban-laban ang mga mag-aaral mula sa ika-7 baitang hanggang ika-10 baitang. Ito ay pinaghandaan ng mga mag-aaral maging ng mga guro ng JHS, itinampok ng mga mag-aaral ang iba’t ibang wika at katutubong kasuotan ng iba’t ibang katutubong pangkat sa Pilipinas. Nagwagi sa patimpalak na ito ang Lakan ng ika-9 na baitang na si Marqus Mallari ng pangkat Temperance at Lakambini ng ika-10 baitang na si Jecka Jacbos ng pangkat Service.
Ayon sa ilang mag-aaral ang pinaka nagustuhan nilang patimpalak ay ang larong pinoy, dahil karamihan sa kanila ay labis na nasiyahan sa gawaing ito. Ito rin ay naging daan upang mabigyang pagkilala muli ang kultura ng mga Pilipino sa iba’t ibang larong pambata. Naging daan ang buwan ng Wika at Kasaysayan upang ang bawat mag-aaral ng Manresa ay magkaroon ng kamalayan sa pagpapaunlad ng ating wika at sa patuloy na pagiging mulat sa mga pangyayari sa kasaysayan na siyang magiging daan upang mas maging isang mapanuring mamamayan.