News

Hinubog ng Kasaysayan, Pinagbuklod ng Pagkakapatiran: Linggo ng Kasaysayan 2026, Ipinagdiwang sa Manresa Gradeschool

OCT 06

Hinubog ng Kasaysayan, Pinagbuklod ng Pagkakapatiran: Linggo ng Kasaysayan 2026, Ipinagdiwang sa Manresa Gradeschool

Sa temang “Hinubog ng Bayan, Dinuyan ng Alon, Pinagbuklod ni Kristo at Sandaigdigan tungo sa Pag-asa, Kagalakan, at Katarungan,” ipinagdiwang ng Manresa Grade School ang Linggo ng Kasaysayan. Sa pamamagitan ng iba’t ibang gawain at patimpalak, binigyang-diin ang kahalagahan ng kasaysayan, kultura, at pagkakaisa ng mga bansa.

 

Nagsimula ang pagdiriwang noong Setyembre 22 sa pagbubukas ng Colors of the World at Freedom Wall. Sa Colors of the World, pinalamutian ng mga watawat ng iba’t ibang bansa ang mga pasilyo ng paaralan. Samantala, sa Freedom Wall, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magbahagi ng kanilang mga sagot at pananaw tungkol sa iba’t ibang katanungang nakapaskil.

 

Nagpatuloy ang pagdiriwang sa pamamagitan ng mga patimpalak na naglalayong masukat at mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa kasaysayan tulad ng Patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay para sa mga mag-aaral sa mga mag-aaral sa ikalima hanggang ika-anim na baitang at Quiz Bee naman para sa mga mag-aaral mula Baitang 1 hanggang Baitang 4. Sinalihan din ng lahat ng baitang ang patimpalak na Bihis-Kultura sa pamamagitan ng pagdidisenyo ng kasuotan na sumasalamin sa kultura at pagkakakilanlan ng mga nagkakaisang bansa.

 

Bukod sa mga patimpalak, naglunsad ang mga guro sa Araling Panlipunan ng mga gawaing nagpalawak sa kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa kasaysayan at pandaigdigang ugnayan. Kabilang dito ang Tinig at Kaalaman: Kilalanin ang United Nations, na nagbahagi ng mahahalagang impormasyon tungkol sa United Nations. Tampok din ang gawaing Trivia of the Day, na naghatid ng maiikling kaalaman tungkol sa kasaysayan; at Throwback History (TBH), na nagtampok ng mga larawan, impormasyon, at bidyo tungkol sa mahahalagang pangyayari sa nakaraan.

 

Samantala, nagbasa ang mga mag-aaral ng mga tekstong may kaugnayan sa United Nations upang higit na maunawaan ang kahalagahan ng pandaigdigang pagkakaisa sa gawaing Sama-samang Pagbasa, Sandaigdigang Pag-asa.

 

Pormal na nagtapos ang pagdiriwang noong Oktubre 8, 2026, sa isang programa na isinagawa sa  auditorium na pinangunahan nina Marcois Raphaello Bernales at Felicity Jane De Leon ng Baitang 6, seksyon Perseverance bilang mga tagapagdaloy.

Isa sa mga tampok sa pagtatapos ang Bayan-Idolo, kung saan nagpakilala ang mga kalahok sa pamamagitan ng pagsusuot ng angkop na kasuotan at pagbabahagi ng mahahalagang impormasyon tungkol sa buhay at mga nagawa ng mga bayaning kanilang kinakatawan.

Bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at pakikilahok, pinagkalooban din ng mga sertipiko ng pagkilala at parangal ang mga nagwagi at mga mag-aaral na lumahok sa iba’t ibang gawain ng pagdiriwang. Narito ang mga mag-aaral na nagwagi sa mga patimpalak;

Quiz Bee:
Thomas C. Librea (Baitang 1 – Faithfulness)

John Liam S. Golla (Baitang 2 – Charity)

Avery Mei B. Lloren (Baitang 3 – Kindness)

Marcus Miguel C. Valdez (Baitang 4 – Unity)

 

Pagsulat ng Sanaysay:
Keiko Lynn Pring (Baitang 6 – Self-Giving)

Isidro Carlos Banta (Baitang 5 – Serenity)

 

Bayan-Idolo:
Rafa Andreana Roales (Baitang 1 – Honesty)

Carlos Iaian Lopez ng Baitang 2 – Charity)

Jeanne Xyrene Cady Pablo (Baitang 3 – Trust)

Maria Jeremiel A. Fajutagana (Baitang 4 – Unity)

Teuns Nathan De Leon (Baitang 6 – Self-Giving)

 

Bihis-Kultura:

Slovenia and Czechia (Kinder- Faith)

Lebanon (Baitang 1- Faithfulness)

Solomon Islands (Baitang 2- Gratefulness)

Fiji (Baitang 3- Prayerfulness)

Monaco (Baitang 4- Unity)

Maldives (Baitang 5- Flexibility)

India (Baitang 6- Integrity)

 

Sa kabuuan, naging makabuluhang pagdiriwang ang Linggo ng Kasaysayan na nagpalalim sa kaalaman at pagpapahalaga ng mga Manresan sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas at ng daigdig. Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, higit na nauunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang papel sa paghubog ng kinabukasang nakaugat sa pag-asa, kagalakan, katarungan, at pagkakapatiran. Sapagkat ang pag-unawa sa nakaraan ay susi sa pag-unawa sa kasalukuyan at sa paghubog ng kinabukasan ng isang bayan.

Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang ating kasaysayan!

Isinulat ni; TWICE MARKUZ M. MARTINEZ