News
Manresa School, Nagdiwang ng Linggo ng Wika 2026
SEP 14
Inilunsad ng Departamento ng Elementarya sa paaralang Manresa ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika 2026 noong Agosto 27, 2026, na may temang “Wikang Filipino: Tulay sa Kaalaman, Nakaugat sa Pagiging Anak ng Diyos at Pagkakapatiran Tungo sa Mas Makatao at Makatarungang Daigdig.” Layunin ng selebrasyon na palalimin ang pagpapahalaga ng mga Manresans sa wikang Filipino, kultura, at pagkakapatiran sa pamamagitan ng iba’t ibang gawaing pangwika.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, isinagawa ang iba’t ibang programa, gawaing pansilid, at mga patimpalak na nagbigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na maipakita ang kanilang talento, pagkamalikhain, at kaalaman sa wikang Filipino.
Kabilang dito ang Likha-Wika, kung saan naipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang pagkamalikhain at kakayahang pangwika sa pagbuo ng slogan. Isinagawa rin ang patimpalak sa pagsulat ng sanaysay, ang Saysay-Sanaysay upang mahikayat ang mga kalahok na maipahayag ang kanilang mga saloobin at pananaw tungkol sa paggamit ng wikang Filipino sa kabutihan. Sinubok naman ng Wika-Wais Quiz Bee ang kaalaman ng mga mag-aaral sa wikang Filipino sa pamammagitan ng pagsasagot sa mga katanungang pangwika at pagbasa. Samantala, ipinamalas ng mga mag-aaral sa primarya ang kanilang husay at pagkamalikhain sa gawaing Salawikulay, ang pagkukulay ng poster na tampok ang mga salawikaing Pilipino.
Isa sa pinakatampok na gawain sa pagdiriwang ang Kuwentong Buhay, Wikay Buhay: Kuwento ng pagmamalasakit. Sa gawing ito ay naipakita ng mga mag-aaral ang kanilang husay sa pagbabahagi ng kuwento sa bawat klase, oras ng Filipino, mula kinder hanggang sa ikaanim na baitang. Sa gawaing ito ay naibahagi rin ng mga mag-aaral ang kanilang pagmamalasakit sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitang pampaaaralan bilang bahagi ng isasagawang donation drive para sa mga batang mag-aaral ng Fourth State.
Nagtapos ang Linggo ng Wika 2026 sa pamamagitan ng kulminasyon noong Huwebes, Setyembre 17, 2026, sa Manresa School. Tampok sa selebrasyon ang Parada ng Manresans, awit sa panalnagin, Singing Bee, mga pagtatanghal ng mga guro, parada ng mga natatanging kasuotan, at ang pagbabahagi ng sanaysay tungkol sa paggamit ng wikang Filipino sa kabutihan.
Bilang pagkilala sa pagsisikap at pakikiisa ng mga Manresans, isinagawa rin ang pagbibigay ng mga sertipiko at medalya sa mga kalahok at nagwagi sa iba’t ibang gawain at paligsahan.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, naipakita na ang wikang Filipino ay hindi lamang ginagamit sa pakikipagkomunikasyon, kundi nagsisilbi ring tulay sa kaalaman, kultura, at pagkakapatiran. Sa bawat salitang Filipino na ating ginagamit at pinahahalagahan, patuloy nating pinananatiling buhay ang ating wika at pagkakakilanlan.
Sariling wika, sariling yaman, sariling atin!
Article by:
Ellie Sofia Maling
Grade 6 – Integrity