News

Malikhaing Pagtatanghal ng Ika-6 na Baitang: Boses ng Kabataang Dapat Bigyang Aksyon

MAR 06

Malikhaing Pagtatanghal ng Ika-6 na Baitang: Boses ng Kabataang Dapat Bigyang Aksyon

Ang kabataan ay may tinig na dapat pakinggan—mga tinig na puno ng ideya, pangarap, at pagnanais na makibahagi sa pagbabago ng lipunan. Sa pamamagitan ng malikhaing pagtatanghal tulad ng Reader's Theater naipapahayag ng mga mag-aaral ang kanilang saloobin at pananaw sa mga isyung kinakaharap ng bansa.

Noong ika-5 ng Marso 2026, ang mga mag-aaral sa ika-anim na baitang ay nagkaroon ng Malikhaing Pagtatanghal: Reader's Theater bilang Pagganap na Pagtataya sa Filipino at Araling Panlipunan. Ipinakita ng bawat pangkat ng mga mag-aaral ang kanilang talento at pag-unawa sa paksang pumapatungkol sa mga kontemporaryong isyu sa Pilipinas at ang mga paraan kung paano ito maaaring lutasin.

Mula sa pagbuo ng kani-kanilang iskrip o piyesa hanggang sa pag-eensayo para sa  gaganaping pagtatanghal, malinaw na ipinakita at naransan ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagsusumikap, paghahanda, at pagtutulungan.

Malikhaing ipinahayag ng mga mag-aaral  ang kahalagahan ng pagharap at paglutas sa mga suliraning umiiral sa bansa. Sa pamamagitan ng kanilang mga ideya at mungkahing solusyon, naipakita nila na mahalagang kumilos at maging bahagi ng pagbabago sa lipunan.

Ang gawaing ito ay naging daan upang  matutunan ng mga mag-aaral na bilang kabataan at pag-asa ng bayan, dapat nilang tandaan na ang lahat ay may mga karapatan at dapat natin itong gamitin nang matalino at may pananagutan. Hindi ito dapat gamitin upang lumikha ng mga problema, kundi upang makatulong sa pagbuo ng mas makatarungan at maayos na lipunan.

Sa huli, ipinakita ng kanilang mga pagtatanghal na hindi dapat manahimik sa harap ng mga suliranin. Sa halip, dapat itong magsimula sa ating sarili, kumilos sa ating komunidad, at maging responsable sa ating mga aksyon. Sapagkat ang isang simpleng pagkilos ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago. Ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa atin- sa ating mga desisyon, aksyon, at pagdinig sa boses  ng bawat mamamayan para sa mas maliwanag na kinabukasan ng bayan.

Isinulat ni: Gabrielle Marie L. Rivera

Photos by: Ms. Jeraizha Bautista